This is my Good day Talk delivered during the DBS Morning Assembly last September 2013. Disclaimer: I do not own all the stories here.
Nakasabay
mo na bang mag-lunch ang Diyos? Ano
kaya ang feeling na kasabay mo Siyang
kumakain ng adobong manok?
Sa
buong buwan ng Setyembre ay itinuon natin ang ating pansin sa isang Bosconian
bilang mapagmahal sa kapayapaan, katarungan, at pagkakaisa sa pamamagitan ng
masayang paglilingkod. A Bosconian works
for peace, justice, and solidarity through joyful service. Siguro naman sa
dami ng mga nagbigay ng Good Day talk
dito tuwing umaga ay mas naintindihan n’yo na ang profile natin sa buwang ito. Ngunit, bago tuluyang magtapos ang
buwan (dahil sa Martes ay October na),
hayaan ninyong humabol ako.
Mayroon
akong bagong salita na ituturo sa inyo sa araw na ito at sana palagi na ninyo
itong tatandaan. Ito ay hindi lamang isang salita kundi, higit sa lahat, ito ay
isang pag-uugali. Mahirap makamit ang kapayapaan kung wala ang pag-uugaling
ito. Sinusubukan kong isalin ito sa
wikang Filipino pero wala akong makita kaya sa Ingles na lang. Ito ay ang
salitang EMPATHY. Sabihin n’yo nga, empathy.
In simple definition,
empathy is putting yourself into the shoes of another person. Sa madaling salita, ilalagay mo ang
sarili mo sa sitwasyon ng ibang tao bago ka kumilos, magsalita, o mag-isip
upang mas maintindihan mo siya. “Kung ako ang nasa sitwasyon niya, ano kaya ang
mararamdaman at gagawin ko?”, ‘yan ang tanong na ginagamit.
ANG LOLO AT ANG BATA
Isang
manunulat at kilalang tagapagsalita si Leo Buscaglia. Minsan ay nagkwento siya
tungkol sa isang paligsahan kung saan siya ay judge. Ang layunin nito ay alamin kung sino ang pinaka
mapagkalingang bata.
Ang
nanalo ay isang apat na taong gulang na may kapitbahay na lolo na kamamatay pa
lamang ang asawang lubhang minamahal.
Nang
kanyang makita si lolong umiiyak, agad na nagpunta ang bata sa bakuran ni lolo
at kumalong sa kanyang mga hita at naupo lamang doon habang umiiyak ang
matanda.
Maya-maya
ay umuwi na ang bata. Nakita pala siya ng kanyang nanay na may pagtataka. Nang
tanungin ang bata ng kanyang nanay kung ano ang sinabi niya kay lolo, sagot
niya: “Wala po…tinulungan ko lang po siyang umiyak.”
Empathic ang tawag sa taong sensitibo sa kalagayan
ng ibang tao kung kaya, kaya niyang maintindihan ang pinagdadaanan ng iba. Kung
minsan, kahit walang salita, sapat na ang tabihan at tulungang umiyak ang isang
kaklaseng masama ang loob dahil nag-away na naman ang mga magulang niya kagabi.
Isang safe na yakap (walang malisya
ha), tapik sa balikat, akbay, at isang matamis na ngiti, OK na para gumaan ang
dinadala niya.
Empathic ka kung sa tuwing dumarating si daddy o si mommy sa bahay ay tinutulungan mo siyang hubarin ang kanyang
sapatos at binibigyan mo siya ng tsinelas dahil alam mong pagod ang kanyang mga
paa mula sa maghapong pagtatrabaho. Empathic
ka kung sa loob ng klase ay hindi ka na dumadagdag sa ingay at gulo ng iba
dahil concern ka na matapos ni teacher ang aralin at nang ang lahat ay
may bagong matutunan. Empathic ka
kung sa tuwing may misa ay masaya kang nagdadala ng canned goods, tsinelas, school
supplies para sa kapwa mo bata na walang wala nang walang anumang reklamong
sinasabi. At empathic ka kung pagkatapos
mong kumain ng lunch sa canteen ay ililigpit mo ang iyong
pinagkainan dahil sensitibo ka na hindi na dagdagan pa ang maraming pisikal na
trabaho ng mga ate at kuya.
PALAKA
Isang
grupo ng mga palaka ang naglalakbay sa kagubatan, at dalawa sa mga ito ay
biglang nahulog sa malalim na hukay.
Ang
ibang mga palaka ay agad nagtipon sa paligid ng hukay. Nang makita nila kung
gaano kalalim ang hukay ay sinabi nila sa dalawa na lagot na sila pagkat doon
na sila mamamatay.
Ngunit
binalewala ng dalawang palaka ang sinasabi ng iba at pinilit pa rin nilang
makaalis sa hukay nang buong lakas. Ngunit, ‘yung ibang mga palaka ay
sinasabihan pa rin silang huwag nang magpumilit dahil wala na silang ligtas, at
mamamatay na sila roon.
At
hindi naglaon ay nanghina na nga ang isa dahil sa pakikinig sa mga sinasabi ng
iba kung kaya’t bumigay na nga siya – tumumba at namatay.
Ngunit
‘yung isa ay sige pa rin ang pagtatangka na makaalis sa hukay. Patuloy din
naman ang pangpahina ng loob ng iba. “Hindi ka na makakaalis diyan”, wika nila.
“Mamamatay ka na riyan, ‘wag ka nang magpagod pa.”
Ngunit
lalo pang nagsikap makaalis ang natitirang palaka na nasa hukay. Tumalon siya
nang tumalon hanggang siya ay makaahon! Nang siya ay nakaalis na sa hukay,
tinanong siya kung narinig niya ang sinasabi nila na mamamatay na siya.
“Naku,
sorry po, ako po ay ‘bingi’,” tugon ng palaka. ‘Yun pala, akala niya ay buong
suporta silang sumisigaw na makakaalis din siya at ‘wag mawawalan ng pag-asa.
Dalawang
aral ng kuwento. Una, may kapangyarihang bumuhay at pumatay ang DILA. Sa taong
lugmok, ang salitang may malasakit ay nagpapalakas ng kalooban at nakatutulong
para makabangon ang isang nakahandusay. At ikalawa, ang salitang masasakit sa
taong lugmok na ang siyang kinakailangan para ang taong ito ay di na makabangon
at tuluyan nang mamatay.
Empathic ka kung alam mong iniisip mo muna ang
sasabihin mo sa iba, kung makakasakit o hindi, bago mo ibuka ang iyong bibig.
Alam naman ng lahat na ang pagtawag sa ibang tao ng ibang pangalan, lalo na
kung ito ay upang manakit nang paulit-ulit, ay hindi tama. Ang name calling ay isang klase ng bullying.
Hindi naman bingi ang kaklase mo para hindi niya marinig ang mga masasakit na
salita na sinasabi mo sa kanya. Hindi kapayapaan, katarungan, at pagkakaisa ang
bunga niyan kundi pag-aaway, pananakit, at pagkakawatak-watak.
Mag-ingat
sa mga salitang binibitawan. Ugaliing gumamit ng mga salitang makapagbibigay
buhay sa mga tao sa paligid mo. Ito ang “KAPANGYARIHAN NG SALITA”.
LUNCHDATE WITH THE LORD
Nakasabay
mo na bang mag-lunch ang Diyos? Ano
kaya ang feeling na kasabay mo Siyang
kumakain ng adobo?
May
isang bata ang nais makatagpo ang Diyos. Alam niya na malayo ang biyahe patungo
sa bahay ni Hesus – ang tunay na BIG BROTHER, kung kaya’t siya ay naghanda para
sa malayong paglalakbay. Nagbaon siya ng masarap na pagkain tulad ng adobong
manok, kanin, at mineral water.
Nang
siya ay nakaka-3 kilometro na ay nakita niya ang isang matandang babae, nakaupo
sa bangketa at pinapanood ang mga naglalakad. Umupo siya malapit dito, nakiramdam,
at inilabas ang kanyang mga baon upang kumain.
Nang
siya ay akmang iinom ng tubig, napansin niya na mukhang gutom ang matandang
babae, kung kaya’t inalok niya siya ng kanin at adobo. Agad naman itong
tinanggap ng tuwang-tuwang matanda. Ang kanyang ngiti ay napakaganda at
napakatamis. Ninais ng bata na muling makita ang ngiting ito, kaya inalok niya
siya ng tubig.
Muli,
ang babaeng matanda ay ngumiti nang pagkatamis-tamis. Natuwa ang bata at silang
dalawa ay nagpalipas nang mahabang oras na magkasama, kumakain, at
nagngi-ngitian na walang isa mang salitang binibitiwan.
Nang
maggagabi na, naisip ng bata na siya ay pagod na at oras na ng pag-uwi, kaya’t
siya ay tumayo upang umalis. Ngunit nakakailang hakbang pa lamang ang bata nang
siya ay bumalik at niyakap nang mahigpit ang matanda. Minsan pa ay napangiti
nang napakaganda ang matanda.
Pumasok
ang bata sa kanilang bahay. Nagtataka ang kanyang ina dahil bakas ang labis na
saya sa mukha niya. Tinanong siya ng kanyang ina: “Ano ang ginawa mo sa araw na
ito at masayang masaya ka?”
Sumagot
ang bata, “Nag-lunch po kami ni God.” Saglit na katahimikan. Bago nakapagsalita
pa ang ina sinabi niya, “Alam n’yo po ‘Nay, ngayon lang po ako nakakita ng
ganoon kagandang ngiti!”
Samantala,
ang matandang babae ay masayang masaya ring umuwi ng kanilang tahanan.
Agad
na napansin ng kanyang anak ang maaliwalas na mukha ng kanyang ina, kaya
tinanong niya siya: “Nay, sa’n ka nanggaling at bakas na bakas ang saya sa
iyong mukha?” Sumagot ang kanyang ina nang pabulong subalit may saya at
nagmamalaki: “Inilibre ako ng pananghalian ng Diyos. Kumain kami ng
pinakamasarap na adobo at kanin. At sa tabing daan kaming dalawa ay masayang
kumain.” Bago pa makasagot ang anak, muli siyang nagsalita: “Hindi ko inaasahan
na ganoon pala siya kabata!”
Bosconians,
hinahamon ko kayo…sa pagtatapos ng buwang ito, simulan nating maging mga peacemakers sa loob ng paaralan, sa
inyong mga klase, sa inyong mga kaklase at guro, sa pagsakay ninyo sa inyong
mga bus service at sa jeep, sa inyong
mga kalaro sa labas ng inyong bahay, at maging sa loob ng inyong mga tahanan
kasama ang inyong mga kapamilya.
Bago
kumilos, magsalita, at magdesisyon, tanungin muna ang sarili: Kung ako ang nasa
sitwasyon ng taong ito, ano kayang mararamdaman at gagawin ko? Maging sensitibo
sa iba. Maging empathic upang
magkaroon ng kapayapaan, katarungan, at pagkakaisa rito sa paaralan at sa
inyo-inyong komunidad. Kung magkagayon, masarap nang sabihin ang LIVE JESUS AND MARY dahil talagang
isinasabuhay natin sila at ang kanilang mga itinuturo. Sa paraang ‘yan, para na
ring nagkaroon ng langit dito sa lupa at nakasabay nating kumain ng lunch si Hesus. Hindi lang nakasabay,
sagot pa Niya lunch natin.
Magandang
umaga sa inyong lahat at maraming salamat. Isabuhay si Hesus at si Maria!
No comments:
Post a Comment