Maraming bagay akong natutunan at natututuhan kay Papa. Si Papa ang nagturo sa akin ng pagpapahahalaga sa oras. Bata pa lang ako, madalas ko ng naririnig sa kanya ang "Di bale ng kayo ang maghintay, 'wag lang kayong magpapahintay." Noon, madalas inis ako kasi parang palagi kaming minamadali lalo na kapag aalis.
Kasama ni Mama, sila ang nagpakilala sa akin sa Diyos. Bata pa lang kami, tuwing Linggo, kailangan naming gumising ng alas-5 ng umaga para makaabot sa 7 AM na misa sa San Felipe Neri Parish. Kaya nga ang akala ko dati, pag sinabing Simbahang Katolika, San Felipe lang 'yun. Hindi ko maintindihan noon na bakit kailangang gumising nang maaga at magsimba Linggu-linggo. Hindi man siya garantisadong paladasal at relihiyoso, itinuro niya sa amin ang pagmamahal at takot sa Diyos. Kaya, hanggang ngayon, kulang ang Linggo kapag hindi ako nakakasimba.
Kung sa ibang bahay, hindi na uso ang kumain nang sabay-sabay, sa amin, hanggang ngayon ginagawa pa rin 'yon. Si Papa ang palaging nagpapaalala sa amin na "Mas masarap kumain kapag sabay sabay". Naalala ko dati, ang karaniwan niyang dating sa bahay mula sa trabaho ay alas sais ng gabi. Pagkapahinga ilang sandali, magyayaya na 'yan para kumain. Totoo nga na mas masarap at mas nakakagana ang kumain nang may kasama lalo na habang pinagkukuwentuhan ang mag pangyayari sa buhay ng bawat isa sa buong araw. Bagamat iba iba na ang pinagkakaabalahan naming mga anak ngayon, bahagi pa rin ng aming nakasanayan at tradisyon sa bahay ang kumain nang sabay sabay lalo na kapag hapunan.
Si Papa rin para sa akin ay imahe ng isang mahinahon at mapagpasensiyang tao. Kaya niyang pagtiisan ang lahat ng hirap na nararanasan niya sa araw araw kasama ang pahirap na bigay ng ibang tao. Kahit na may mga taong gumagawa ng hindi maganda sa kanya, maririnig mo pa rin sa kanya "Hayaan niyo lang sila." Siya ang tipo ng tao na kapag naubos ang pasensiya, talagang lalabas ang galit. Pero kung kaya niyang pagpasensiyahan, pagpapasensiyahan niya.
Hindi ko pinlano na isulat ang blog entry na ito para ngayong Father's Day. Pero, bigla lang akong nainspire na ipaalam sa mundo kung gaano ako ka-proud sa tatay ko. Salamat Panginoon at ginawa mo akong anak ng tatay ko. Salamat dahil binigay mo siya sa amin bilang ama. Patawad sa mga pagkakataong hindi ako naging isang mabuting anak sa kanya. Dasal ko lang po ay palagi Mo siyang ingatan at itabi sa iyong piling kasama ng aking Mama.
Sa aking Papa, salamat po at mahal na mahal po namin kayo! Hindi lang obvious, pero totoo 'yun. Love you Pa!
No comments:
Post a Comment