Sunday, May 3, 2015

LUGI KA KAY PACMAN


Laban na naman ni Pacquiao. Halos lahat ng mga Pilipino ay hihinto na naman ang mundo sumandali para abangan ang kanilang idolo. Bayani kung ituring sa Pinas si Pacquiao. "People's Champ" pa nga ang bansag sa kanya. Pero kung maglalaan ka ng panahon upang magkaroon ng isang malalimang pag-iisip, bayani nga ba siyang talaga? Ano ba ang malaking ambag niya sa bansang Pilipinas? Ano ang direktang kaugnayan nating mga Pilipino sa bawat karangalang nakukuha niya? Ano'ng nagbabago sa buhay natin sa bawat suntok na binibitiwan niya? Gaano ba katotoo ang awit niya na "Lalaban ako para sa Pilipino"?

Para sa akin, malaki ang lugi ng Pilipinas at bawat Pilipino kay Ginoong Manny Pacquiao. Walang masamang tinapay sa isa sa pinakamagaling na boksingero sa kasalukuyang henerasyon. Mabuti siyang tao at kitang kita ang kanyang determinasyon sa bawat laban niya. Ang hindi ko lang gusto ay kung paanong patuloy na ginagamit ang bawat Pilipino upang mas lalo siyang sumikat sa larangang pinasukan niya. Inuuto ang mga Pinoy sa madaling salita. 


Hindi ko maintindihan ang bukambibig niya at ng mga taong nakapaligid sa kanya na para sa bawat Pinoy ang bawat laban niya. Paanong mangyayari ito? Unang-una, wala naman siyang medalyang iniuuwi sa bansa. Ang bawat boxing belt na sinusuot niya pagkatapos ng kanyang pagkapanalo ay hindi naman dagdag sa karangalan ng Pilipinas. Hindi ito makadaragdag sa ranking natin sa Olympics, sa Asian Games, o kahit ano pa mang international sporting games. Ang belt niya ay kanya lang.


Pangalawa, sa bawat pag-akyat niya sa boxing ring, hindi lumalaban si Ginoong Pacquiao para sa mga Pilipino. Hindi ako naniniwala sa lyrics ng awit niya. Hindi para sa akin, hindi para sa'yo, at hindi para sa bawat Pilipino ang laban niya. Para kanino? E 'di para sa sa sarili niya, sa promoter niya, at sa may-ari ng MGM place. Ano na ba ang napuntahan ng bawat perang kinita niya sa bawat pagkapanalo niya? Nabalatuhan ba niya lahat ng Pilipinong sumubaybay sa kanya? May hati ka bang natanggap sa perang kinita niya? E ang mga taga Gensan at Saranggani na pinanggalingan niya at ngayon ay pinaglilingkuran niya bilang Congressman, umangat na ba ang mga buhay? Siguro kung may natulungan siya, mangilan ngilan lang. E paano ang karamihan? Siguro kung may naipundar siya, baka 'yung mamahaling mansyon niya sa America at mga branded bags na binili niya para sa kanyang nanay at asawa. 



Speaking of Congressman, pulitiko na pala si Ginoong Pacquiao. Tumakbo noong nakaraang eleksyon at ngayon ay nakaupo na bilang kinatawan ng probinsiya ng Sarangani. Ito ang ikatlong pagkalugi natin sa kagalang-galang na Congressman. Ano na ba ang batas na naiakda ng butihing pulitikong ito matapos niyang maupo sa Kongreso? Kumusta na ba ang ekonomiya ng probinsiyang pinaglilingkuran niya? Dumami na ba ang trabaho ng mga tao doon? Ilang paaralan, ospital, at mga tanggapang pampahalaan ang kanya nang naipatayo at naipaayos? Boksingerong naging kongresista. Baka sa susunod nasa Senado na siya o 'di kaya sa loob ng Malacanang? Kapag nangyari ito, pinatutunayan lamang natin na kulang pa sa pag-iisip ang mga botanteng Pilipino. Boksingero kung boksingero. Hayaan na lamang sa iba ang ibang posisyon at propesyon sa lipunan. 

Panghuli, lugi ang Pinoy kay Pacman dahil lagi na lamang tayong inuuto at niloloko. Pansinin n'yo, sa sobrang kagustuhan ng iba na maunang malaman ang mga huling pangyayari, tatawag sa kanilang cable provider upang magsubscribe sa pay-per-view. Instant Php 2,500 agad ang naipakawala. Ang mga restaurants at bars kanya-kanya rin gimik. Magbabayad ka lang, makakapanood ka na ng live na bakbakan, may kasama pang pagkain. Kung wala kang perang pambayad, magtitiyaga ka sa delayed telecast sa free TV na punung-puno ng commercials. Alas-4 na ng hapon, hindi pa lumalaban si Pacquiao. Buong mundo nagbubunyi na, ikaw, nakanganga pa. 


Ang mga pulitiko natin, may sariling style rin. Kanya-kanya silang pamimigay ng libreng tiket para sa libreng panonood sa kani-kanilang constituents. Pero bakit 'yung iba may kasamang mukha at pangalan nila? Baka naman sa susunod na taon, kasama rin ito sa babanggitin nila sa kampanya nila? 


Pati mga TV networks nakikigulo rin. Kanya-kanya sila ng paggamit ng iba-ibang hashtag na may pangalan ni Pacquiao. May #OneForPacman, #GoManny, #PusongPacquiao, at iba pa. Ang isang TV network, nagkaroon pa ng virual punch campaign para maipakita ang suporta sa kampeon nila. Para saan? Siyempre para sumikat sila at magkaroon ng malaking kita. Pera-pera lang ang labanan. Hindi naman sila mag-aaksaya ng airtime sa TV at radyo kung wala silang kitang makukuha mula rito. Naisip n'yo ba 'yun? 


Lugi talaga tayo dahil ang mga pulitiko natin na pinapasweldo mula sa ating pagkalaki-laking taxes, ayun, halos lahat nasa Vegas para manood ng live. Hindi nagkasya sa pay-per-view, they crossed-borders-to-view. Ang isang malaking tanong ng lahat, saan kinuha ang pamasahe at pocket money nila? Sikreto 'yan, walang sinuman ang p'wedeng makaalam. 


Hindi ko ito sinulat upang mambasag ng trip sa maraming Pilipino na panatiko ni Ginoong Pacquiao. Ayaw kong lumabas na "KJ" (kill joy) o pesimistiko sa kung anuman ang nangyayari. Mangyari lamang po na medyo ako ay nakapag-isip-isip kaya kinalabit ang keyboard ng laptop ko at ipinost ang nilalaman ng isip at puso ko. 


Para kay Ginoong Pacquiao, hangad ko ang pagkapanalo mo sa laban kay Mayweather. Sana maenjoy mo ang anumang kikitain mo sa laban na ito dahil manalo o matalo, may pera ka. Ang mga Pinoy, manalo o matalo ka, siguradong tataas ang bill sa kuryente, mamamaos sa kasisigaw para i-cheer ka, at mababawasan ang pera sa bulsa. Pero, salamat pa rin dahil kahit isang araw, makakalimutan nila ang problema nila (kaya dapat manalo ka), mababawasan kung hindi man tuluyang mawawala ang masikip na traffic sa lahat ng kalsada, at magiging abala pati ang mga snatchers at holdupper sa bangketa. 


Suggestion lang po, sana sa Pilipinas naman gawin ang susunod na laban mo para tumaas ang turismo, makadagdag ng trabaho, at umangat kahit kaunti ang ekonomiya ng bayan mo. Kapag nangyari iyon, baka maniwala pa akong may pakinabang ka sa mga Pilipino. 


Sa lahat ng mga taong malalapit kay Ginoong Pacquiao, lahat ng mga personalidad na sumusuporta at paminsang-minsang pumapapel, sa mga TV networks na patuloy na kumikita, at sa mga promoter ng laban niya na sila lang naman talaga ang yumayaman at nakikinabang, WALA NAMAN PO SANANG GAMITAN AT UTUAN. 


At sa lahat ng Pinoy, enjoy the show mga kababayan. Sana sa bawat panonood, samahan din natin ng kaunting pag-iisip. Huwag puro puso at emosyon ang gamitin. 



(c) AL EDER


#Pacquiao #OneForPacman #IsangLabanIsangBayan #GoManny #PacMayFight #PusongPacquiao



YOUR COMMENTS (BOTH POSTIVE AND NEGATIVE) ARE VERY MUCH WELCOME.


==========================================================

Photo downloaded from:
http://guemblung.biz/boxing-wallpaper/manny-pacquiao-logo-vector-hd.html/attachment/manny-pacquiao-logo-vector-hd-deviantart-more-like-jeff-the-killer-vs-jane-the-killer-by-image

No comments:

Post a Comment