Sunday, April 20, 2014

ISTORBO SI LORD!

Naranasan mo na bang matuyuan ng lalamunan dahil sa matinding sikat ng araw? 'Yung tipong nakabilad ka sa araw tapos sumakit nang sobra ang ulo mo na para kang hihimatayin? Sa bandang huli, malalaman mo na na-dehydrate ka at ang tanging makakapawi lamang nito ay ang isang basong tubig? Ako, naranasan ko 'yan!

Noong nakaraang Huwebes, March 27, 2014, nakasama ako sa summer outing ng paaralang aking pinagtatrabahuhan. Nagpunta kami sa isang beach resort sa Bauan, Batangas. Maganda ang lugar at talaga nga namang napakasarap na maligo sa dagat. Naisipan din naming magrenta ng isang pedal bike. At dahil ako ang nag-iisang lalaki, ako ang nagpedal. Nakakapagod pala 'yun! Maya maya lang, nararamdaman ko na parang nahihilo ako. Buti na lang at natapos na ang 30 minuto. Hindi na ako naligo pa at naisipan ko nang magbanlaw. Walang nagbago... hindi pa rin maganda ang pakiramdam ko. Hanggang sa nakabalik ako sa aming cottage at naisipan kong uminom ng tubig upang kahit papa'no ay mabawasan ang init na nararamdaman ko. At hindi nga ako nagkamali, pati pagkahilo ko nawala. Noon ko naisip na dehydrated na pala ako dahil sa matagal na pagkabilad sa init ng sikat ng araw. Salamat sa isang basong tubig, nawala ang pagkatigang ko.


Wala namang kaibahan ang karanasang ito sa iba pang naranasan ko. Normal lang kumbaga. Saka ko lamang naitindihan ang bagay na ito - noon lamang Sabado. 


Retreat namin noong Sabado hanggang Linggo ng tanghali. Ang swerte ko nga dahil may mga ganitong paghuhubog at pagkakataon na ibinibigay ang mga Salesian Sisters para aming mga empleyado ng kanilang paaralan. Isa ito sa mga pinananabikan ko taun-taon dahil panahon ito para akin ng pamamahinga at pakikipag-usap sa aking Diyos.


Speaking of Diyos! Actually, walang ibinigay na tema ng retreat ang aming facilitator, si Sr. Florita, isang madreng Salesyano. Nagtatanungan nga kami ng mga kasama ko tungkol dito kaya naisip na lamang namin na kanya kanyang pamagat na lang. Pero sobrang dami kong natutunan sa loob ng dalawang araw at isang gabing iyon. Isa na rito ang imahe ng Diyos.


Ang introduction ni Sister ay ganito: "A retreat is getting in touch with my soul beyond what I see in the mirror everyday... To get in touch with myself is also to get in touch with my image of God." Ang tanong ni Sister sa amin ay kung ano ang imahe ng Diyos sa amin sa mga oras na iyon, "What is your concept of God?"


Sa aking personal na pananalangin, isang imahe ang aking nakita - isang baso ng malamig na tubig. Tinanong ko ang Diyos kung bakit ito ang imaheng ipinakita Niya sa akin. Hindi niya ako pinagdamutan ng sagot. Binigyan Niya ako ng sagot na hindi malayo sa aking karanasan.



Ang imahe ng Diyos na ibinigay Niya sa akin - isang basong tubig.
Gaya ng nabanggit ko sa simula, mahirap ang madehydrate. Iba't ibang pakiramdam ang aking naranasan gaya ng pagkahilo at pagkatuyo ng lalamunan. Nakita ko ang Diyos sa ganyang sitwasyon. May mga pagkakataon sa aking buhay na talagang malayo ako sa Diyos. Minsan, mas pinipili kong lumayo sa Kanya lalo na kapag nagtatampisaw ako sa kasalanan. Minsan kasi may mga pagkakataong nakakalimot ako at parang nag-eenjoy sa pleasure na hatid ng mundo. Sa mga pagkakataong ganito bigla na lamang nagpaparamdam ang Diyos. Habang nag-eenjoy ako, bigla na lamang Siyang mang-iistorbo at magpapaalaala sa akin ng aking pagkauhaw. 

Para Siyang isang basong tubig na babasa sa aking tuyong lalamunan at magtatanggal ng pagkahilo ko sa makamundong bagay. At kapag ininom ko na Siya, tiyak ang presko presko ng aking pakiramdam.

Mas enjoy kasama ang Diyos lalo na kapag good terms kayo. Sarap Niyang kausap sa isang malalim at taimtim na pananalangin. Ngunit, gaya sa baso ng tubig, nasa sa akin na kung iinumin ko Siya o maghahanap ako ng alternatibong bagay na maaaring pumawi sa aking pagkauhaw. 

Iyan ang kahinaan ng Diyos, ang kalayaan nating mga tao. Dahil binigyan Niya tayo ng freewill, kailanma'y hindi niya pinanghimasukan ang kalayaan nating mga tao. Kaya nga, madalas natin Siyang makaligtaan at ginagawa lamang nating Siyang isa sa ating mga opsyon.


Madalas kapag tayo ay nauuhaw, mas pinipili pa nating uminom ng juice o softdrinks sa pag-aakalang mas makatatanggal ang mga iyon ng ating pagkauhaw. Tama, makakatanggal nga, ngunit, panandalian lamang. Pagkatapos ng ilang minuto, mas lalo nating mararamdaman ang mas matingding uhaw. Dito natin maiisip na mas masarap pa ang uminom ng tubig kahit na ito ay walang lasa at boring. 


Minsan, sa ibang mga bagay ko tinutuon ang aking atensiyon sa paghahanap ko ng kahulugan sa aking buhay. Sa pag-aakalang mas enjoy kapag naranasan mo ang ibinibigay ng mundo, hinahayaan kong lamunin ako nang buo ng aking mga makamundong hangarin. Ngunit, sa bandang huli, sa Diyos pa rin ako uuwi dahil "ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw yaong hangad; para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas" (Salmo 63:1).


O Diyos, sa mga pagkakataong nakakalimot ako sa Iyong dakilang pagmamahal sa akin, patawad po. Loobin mo pong mamuhay ako sa Iyong piling palagi. Sa mga pagkakataong ako ay nauuhaw, ipaalala mo po sa aking Ikaw ang tanging tubig na makapapawi sa pagkatuyot ng aking buhay. Amen.


Sinabi ni Hesus sa babaing Samaritana: "Ang uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito'y magiging bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan." (Juan 4:13-14)


No comments:

Post a Comment