Sunday, August 17, 2014

ANG ALAMAT NG PUTING POLO



Espesyal ang araw na ito para sa lahat ng mga gustong maging 'totoong guro'. LET na naman at siguradong marami na namang madadagdag sa listahan ng mga propesyunal na guro sa bansa. Naalala ko tuloy ang araw na kumuha ako ng parehong exams.

September 27, 2009 ang inilagay na petsa sa testing permit ko. 'Di natuloy 'yun dahil sa bagyong Ondoy. Kaya, rescheduled ng October 4. Sa Unibersidad de Manila ang aking testing center.

Siyempre bago dumating ang araw na 'yon, maraming paghahanda ang aking ginawa. 'Di na ako nag-enrol sa review sa school kasi gipit sa pera at ayaw ko ng dagdagan pa ang gastos nila Mama lalo na't graduating ako. Dinaya ko na lang mga kaklase ko. Nanghiram ako ng reviewers nila, pina-photocopy ko, at nag-self study ako. Babala: Huwag n'yo akong gagayahin, malulugi ang mga review centers sa inyo!


Bukod sa self review, inihanda ko rin ang sarili ko spiritually. Dahil sa kagustuhan kong makapasa para wala ng take two, kinaibigan ko sina St. Jude Thaddeus at St. Anthony de Padua. May schedule ang novena ko - Martes kay San Antonio, Miyerkules para sa Birhen ng Baclaran, at Huwebes para naman kay San Hudas Tadeo. Nagpabasbas pa nga ako ng lapis na gagamitin ko, isang Martes na nobena sa St. Anthony, Legarda. Salamat sa mga taong nagpakilala sa akin sa kanila.

Mahirap ang test. Sobrang hirap kaya wala na akong maalala kahit isa man sa mga tanong na naroon. Isang bagay lang talaga ang nananatiling maliwanag sa akin at tandang tanda ko pa hanggang ngayon - ang issue sa aking damit.

Required na magsuot ng puting damit sa araw ng LET. 'Di ko makita ang logic pero sige lang, 'yun ang rule e, kailangang sumunod baka manganib pa ako. So, the night before the 'big day', handa na ang white-striped semi-long sleeves na polo ko na susuotin ko kinabukasan. Natulog ako nang maaga nang gabing iyon dahil kailangan makaalis ako nang maaga at hahanapin ko pa ang school kahit na alam kong malapit lang 'yun sa university na pinapasukan ko. Basta, sa madaling salita, ayaw kong ma-late, tapos.

At dumating na nga ang araw ng pagtutuos. Bago magsimula ang test, may paunang ritwal pa ang proctor. Isa-isang tinawag ang mga magtetake ng test at inayos ang aming seating arrangement. Pagdating sa akin, huminto ang procotor, tiningnan ako, at biglang nagtanong: "Mr. Eder, bakit ganyan ang suot mong damit? Hindi ba dapat puti?" Sa paniniwalang puti ang suot ko dahil puti naman talaga, 'yun lang nahaluan ng stripes na black, sumagot ako, "Ma'am, bakit po? Puti naman po itong sunot ko ah." Ipinagpatuloy ni miss proctor ang interogasyon este pagtatanong, "Hindi puti 'yan. Dapat plain white. 'Yun ang tama. You're not wearing the proper dress code."

Sumagot ako with all humility: "Sorry po Ma'am. Akala ko po kasi pwede na itong suot ko e." Kinabahan talaga ako. Sa tono ni Ma'am Proctor, mukhang malaki ang probability na pauwiin niya ako at hindi pakuhanin ng test. Buti na lang, tinapos niya ang usapan sa ganitong closing statement: "OK, sa susunod hindi na pwede 'yan ah. Dapat sumunod sa dress code." Nakahinga ako nang maluwag at ang naisagot ko na lamang ay, "OK po! Thank you Ma'am."

Tuloy ang ligaya. Nakaraos sa tatlong set ng exams sa araw na iyon. Buti na lang wala ng next time gaya ng sinabi ni Ma'am Proctor. Sa awa ng Diyos at sa gabay ng mga friends ko in heaven, nakapasa sa LET at ngayo'y professional teacher for six years.

Ang akala kong mauudlot na pangarap, natuloy din. Lesson learned: matutong sumunod sa rules, sa instructions, sa batas, at sa alituntunin. Sa simpleng hindi pagsunod sa tamang kulay ng damit ay maaaring makasira sa magandang takbo ng buhay.

Ito ang memorable experience ko sa Licensure Exams for Teachers.

Sa mga 2014 test takers, God bless sa inyo! Hangad ko na maging matagumpay kayo. Ngayon pa lang, welcome to the club of Professional Filipino Educators!

No comments:

Post a Comment